Bayani kong Ina

                
BAYANI KONG INA

Maikling kwento ni Trixie Leonardo

Siyam na buwan akong nasa sinapupunan niya. Pagmulat ng aking mata ay ang pinakamagandang babae agad aking nakita. Kanyang mga ngiti na walang kasing tamis at kanyang haplos na puno ng pagmamahal. Nais kong ibahagi sa inyo ang kwento ng aking ina. Ang aking ina na si Irene.
Isa siyang OFW sa Japan. Ang aking ina ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral at elementarya lamang ang kanyang natapos. Sila noon ay nakatira lamang sa riles at siya ay naghahanap-buhay para sa kanyang sarili dahil sila’y mahirap lamang. Si Irene ay kung saan-saan nagtrabaho. Siya’y naging danser sa bar, nagtinda, at kung anu-ano pa. Dahil nga wala silang sapat na pera siya na ang bumuhay sa kanyang sarili at hindi na umasa sa kanyang pamilya. Hanggang sa siya ay kinasal at kanyang napangasawa na si Mar. Ito ang tumanggap sakanya ng buo kahit pa siya’y mahirap lamang. Nagkaroon sila ng apat na anak, tatong babae at isang lalaki. Ngunit, sa hindi inaasahan na pangyayari ang kanyang asawa ay nagkaroon  ng matinding sakit. Hindi maganda ang naging resulta at pumanaw. Walang kasing sakit ang mawalan ng mahal sa buhay pero kailangan niyang lumaban at magpakalakas para sa aming mga anak niya. Ako’y magi-isang taong gulang pa lamang ng mawala ang aking ama. Ako lamang ang hindi nakakita sakanya at ang hirap para sa akin na hindi naramdaman ang kumpletong pamilya. Simula noon ang aking ina ang tumayong ama din sa amin.

Makalipas ang taon ay siya’y nagpunta sa ibang bansa upang doon magtrabaho at kumita ng pera para sa aming gastusin. Kahit pa masakit sa aming mga anak niya na siya ay malayo sa amin ay wala kaming magagawa dahil para rin ito sa amin. Ang aking ina ay nagpakatatag. Kahit mahirap ang buhay ng mag-isa ay balewala nalang ito sakanya. Naiisip ko pa nga lang ang pagod at hirap kasama na ang sakit na kanyang nararamdaman ay nalulungkot ako para sakanya. Hindi rin kasi kami sanay na sa tuwing uuwi siya ay aalis nanaman. Nalulungkot kami dahil malalayo nanaman siya sa amin. Dati noong bata ako tuwang tuwa ako kapag uuwi siya dahil kahon kahon na tsokolate ang uwi niya galling sa ibang bansa, pero kapag aalis na ulit siya ay hindi ko mapigilan ang mga luha ko. Akala ko rin noon ay ganon lang kadali ang mangibang bansa. Pero hindi isasakripisyo mo talaga para lang sa pamilya mo. Minsan man nasasabi ng aking ina na siya’y pagod na at ayaw niya na sa buhay niya, pero iyon lamang ay dahil siguro sakaniyang pagod. Ang aking ina ay ginampanan ang pagiging isa ama. Siya ang aming tagapagtanggol sa tuwing samin ay may nananakit at kahit siya’y nasa malayo talagang hindi niya kami pinabayaan. Kung ang ibang ina ay iniiwan ang kanilang anak ng basta basta, siya ay hindi kami tinakbuhan bagkus kami pa’y dinala sa magandang buhay na hindi niya naranasan. Ang mabigyan kami ng magandang tahanan, ang mapakain kami ng masasarap na pagkain, ang mabilhan kami ng maaalindog na damit, ang mapag-aral kami sa magandang eskwelahan at maibigay ang lahat ng makakabuti sa amin. Kahit pa minsa’y hindi naming nasusunod ang gusto niya at kami’y kaniyang pinagsasabihan ay hindi niya kami sinukuan. Tuwing pasko, bagong taon, at ano pang mahahalagang pangyayari sa buhay na hindi naming siya kasama ay isa sa pinakanakakalungkot dahil kami’y dapat sama sama pero malayo siya sa amin at hindi basta basta nabibili ang ticket pauwi. Akala nga ng iba ang yaman yaman namin at ang dami naming pera, hindi nila alam mayaman lang kami sa pagmamahal sa isa’t isa at dahil lang iyon sa tiyaga ng aming ina. 

Tunay na napakahirap magpalaki ng anak lalo na kung ikaw nalang mag-isa lahat ng hirap ay iyong dadanasin. Tunay na walang hanggan ang pagmamahal ng tunay na ina na isakripisyo ang lahat para sakanyang mga anak. Sa aming apat na anak niya ay ako nalang ang pinagaaral. Ang aking mga kapatid ay kanya ng napagtapos at nakakuha ng magandang trabaho. At kapag ako’y nakapagtapos na, susuklian ko din ang lahat ng hirap na kanyang pinagdaanan. Aking pangarap ay tutuparin at susumikaping abutin para sakanya. Kahit ako’y isang magaaral palang ang tanging maibibigay ko muna sakanya ay ipakita na hindi ko sinasayang lahat ng kanyang paghihirap.
 Kaya dapat lagi nating tandaan na kapag tayo’y nawalan hindi ibig sabihin na tigil na ang buhay ito ang dapat nating ginagawang inspirasyon. At gaya ng aking ina, hindi man siya nakapagtapos ng kanyang pagaaral ay ang buhay niya naman ngayon ay walang kasing ganda. Hindi porket hindi nakapagtapos at maagang nag-asawa ay wala ng mararating sa buhay. Tiyaga, diskarte, tiwala lang sa sarili ang kailangan. Huwag dapat sukuan ang mga bagay na nasimulan at kayang labanan.


Ako nga pala si Trixie Leonardo. Ito’y hango sa totoong buhay ng aking ina. Ibinahagi ko ito dahil akin siyang pinagmamalaki. Sa lahat ng nangyari sakanyang buhay ay hindi niya ito sinukuan. Ang aking nanay yang magsisilbing inspirasyon ko sa buhay at sana kayo din. Hindi lahat ng mahihirap ang laging mukhang kawawa at talunan, ang iba ay sila pa ang mas nakakaraos kay sa sa mayayaman. Ito sana ay maging inspirasyon din sainyo at sa iba pang mga nanay. 

Comments

Popular posts from this blog

Lipstick

Pagtitiis ni Maria Joy